Gampanin ng “SALLY’S SEASHELLS” (2022) sa Pagkilala ng Kasaysayan sa Tekstong Pampatalastas

 

Sally's Seashells (Extended) | Big Game Commercial 2022, mula sa YouTube channel ng Squarespace

Tiyak na nahingian ka na ng halimbawa ng pilipit-dila o tongue twister ng iyong guro sa Ingles o kaya’y nasubukan nang magpadala sa litong naidudulot ng pagbigkas nito bilang paligsahang magkakaklase o magkakakaibigan. Nakadepende sa maling pagbigkas at kung mabubulol ang tagapagsalita upang maging kaaliw-aliw at matagumpay ang paglalaro. Isa sa pinakatanyag na mga pilipit-dila sa wikang Ingles ang “she sells seashells (Martemianova at Nadiya 2020, 83-84) na tampok noong ika-19 na siglo matapos malimbag noong 1850 bilang ensayong pandiksyon. Nang kalaunan, nahanap ng manunulat-patnugot na si Stephen Winick (2017) ang panibagong bersyon[1] ng pilipit-dila (na naging opisyal na tawag dito noong 1895) na “Sally sells seashells”. Tatlong beses na lamang lilitaw ang bersyong gumagamit sa pangalang Sally noong 1948, 1964, at 1965 bago ito magtampok noong 1980. Tatalakayin ko ang tatlong elementong nagbibigay-liwanag sa pagiging makasaysayan ng patalastas na “Sally’s Seashells” na ibinida ang pilipit-dila na “Sally sells seashells by the seashore”: tunggalian sa banghay ng patalastas na binigyang-solusyon ng modernong teknolohiya, gamit ng kasuotang sarong sa kulturang kanluranin bilang disenyong pamproduksyon, at pagbibigay ng modernisadong kulay sa pilipit-dila patalastas. Masisilayan din ang bisa ng pilipit-dila na gumagamit ng paripantig o aliterasyon bilang susi sa pagkintal sa memorya (memory retention) ng makakanood ng patalastas.


[1] Elwood Murray The Speech Personality, The Integration of the Speaker: the Grosser Speech Skills (University of Michigan: J.B. Lippincott, 1939.

Larawan ni Zendaya mula sa opisyal na website ng Squarespace.

Sa kasalukuyan, hindi na lamang sa laro makikita ang halaga ng mga pilipit-dila kundi na rin sa kulturang popular. Sa patalastas na “Sally’s Seashells” para sa Super Bowl 2022 na isinalaysay ng rapper na si André 3000, makikitang ginagampanan ng aktor na si Zendaya ang papel na Sally, isang manininda ng kabibe sa dalampasigan. Hinarap ni Sally ang isa sa malalaking suliranin ng pagnenegosyo: ang kawalan ng kita dahil hirap makabenta ng produkto. Ang tunggaliang ito sa kuwento ni Sally ang unang elemento sa pagiging makasaysayan ng patalastas. Bilang solusyon, lumikha ng isang website sa kumpanyang Squarespace si Sally upang makarating sa mas maraming mamimili online ang kanyang mga kabibe. Nabanggit nina Changchit, Chuleeporn, at Tim Klaus (2015) na bagamat pinaniniwalaan ng mga nagsisilakihang organisasyon ang papel ng e-commerce sa brand exposure, pabago-bago pa rin ang timpla ng mga maliliit na negosyo sa halaga ng e-commerce sa tagumpay ng negosyo (11). Dagdag pa rito, nakalap ng isang pag-aaral ng product analytics website na MineWhat na nasa 81% ng mga mamimili ang nagsasagawa ng pananaliksik online bago mamili (Morrison 2014) at karaniwang na bibisita muna ng tatlong website bago magdesisyong bumili ng produkto. Sinusundan ng kumpanyang pang-software na Squarespace ang yapak ng pag-aaral[2] ng Hubspot na ang mga negosyo na mayroong epektibong website na gumagamit ng blog ay may 55% higit pang bisita at 97% dagdag na inbound links patungo sa kanilang website. Mula rito, mahihinuhang isinasalamin ng patalastas na ito ang modernong teknolohiya bilang susi sa tagumpay ng isang negosyo!


[2] Rick Burnes, “Study Shows Business Blogging Leads to 55% More Website Visitors,” Hubspot, updated September 05 2017, https://blog.hubspot.com/blog/tabid/6307/bid/5014/study-shows-business-blogging-leads-to-55-more-website-visitors.aspx


Dahil sa lala ng web traffic ng kanyang website, lumawak ang sakop ng negosyo ni Sally. Nagdagdag siya ng mga panindang specialty: “shiny seashell sequin skirts and sarongs, seashell serenity sessions starting sharply at sunrise” at mga “seashell excursions of the seashore.” Interesanteng elemento ang kasuotang sarong na nabanggit sa 0:33 dahil nasa dalampasigan ang tagpuan ng patalastas. Sa kulturang Timog Silangang Asya, ginagamit ang sarong bilang araw-araw na pananamit at pormal na katutubong kasuotan; epekto ng appropriation na ginawa ng Hollywood sa sarong ang nagbigay-daan para ito ay maging pantapal lamang imbes na damit (Boehlke 2013). Ayon kina Jones at Leshkowich (2003), ang mga elementong oryental ng sining at kasuotan ang naging bahagi ng pag-uugali ng mamimili ng taong 1990 kung saan malakas ang impluwensya ng ekonomiyang Asya. Mas matimbang ang silbing estetiko kaysa kultural ng sarong bilang beachwear na masisilayan pa rin hanggang ngayon sa panahong tag-init saanman sa mundo.

Mula nang maitala ang pilipit-dila sa Disyembre 1871 na edisyon ng The Family Herald (Winick 2017), malikhain itong binuhay muli ng direktor na si Edgar Wright gamit ang mga estratehiya sa paglikha ng bidyo tulad ng sinematograpiya at wordplay sa pagkakasulat ng patalastas. Ang pilipit-dila na maririnig at mapapanood sa midya ay nag-uudyok din sa kasanayang pang-komprehensyon sa pagbubuo ng mga pangungusap (McCutchen et al. 1991, 87). Epektibo ang tayutay na aliterasyon na makikita sa partikular na pilipit-dila na ito sa pagtatak sa alaala ng mambabasa dahil sa paulit-ulit na mga ponemang “s” at “sh”. Sa loob ng isang minuto, naging isang mahusay at unibersal na halimbawa ang “Sally’s Seashells” ng produkto ng modernong teknolohiyang mauunawaan ng sinomang mamimili saanman siya napapabilang sa mundo, at ang pagkakahilig ng mga tao sa mga makukulay na kasuotan at kawili-wiling paglalaro ng mga salita. #


Mula sa Squarespace website. https://www.squarespace.com/zendaya



Talasanggunian:

Boehlke, Heidi. “Sarong.” Love to Know. 2013. https://fashion-history.lovetoknow.com/clothing-types-styles/sarong

Changchit, Chuleeporn, and Tim Klaus. "An exploratory study on small business website creation and usage." Journal of Electronic Commerce in Organizations (JECO) 13, no. 1 (2015): 1-14.

Jones, Carla, and Ann Marie Leshkowich. "Introduction: Globalization of Asian Dress." In Re-Orienting Fashion: The Globalization of Asian Dress. Edited by Sandra Niessen, Ann Marie Leshkowich, and Carla Jones. Oxford: Berg Press, 2003.

Martemianova, Anna, and Nadiya Yurko. "English pronunciation: the popular short tongue twisters." Матеріали конференцій Молодіжної наукової ліги (2020): 83-84.

McCutchen, Deborah, Laura C. Bell, Ilene M. France, and Charles A. Perfetti. "Phoneme-specific interference in reading: The tongue-twister effect revisited." Reading Research Quarterly (1991): 87-103.

Morrison, Kimberlee. “81% of Shoppers Conduct Online Research Before Buying [Infographic].” AdWeek. 2014. https://www.adweek.com/performance-marketing/81-shoppers-conduct-online-research-making-purchase-infographic/

Winick, Stephen. 2017. “She Sells Seashells and Mary Anning: Metafolklore with a Twist”. Library of Congress. Folklore Today. July 26, 2017. https://blogs.loc.gov/folklife/2017/07/she-sells-seashells-and-mary-anning-metafolklore-with-a-twist/


Comments

Popular posts from this blog

'Barrio Sipsipnget' and Other Good Stuff: Professor JANET TIBALDO on Communicating Empathetically